Sunday, August 5, 2018

Poverty at Work: Office Employment and the Crack Alternative (Reflection)


     Kung tatanungin ako kung bakit ako ay nag-aaral, malamang ay isasagot ko na ako ay nag-aaral upang magkaroon ng magandang trabaho, buhay at upang makakuha ang respeto mula sa sarili pati na rin sa ibang tao. Maisasagot ko ito marahil nakatanim na sa isipan ng bawat tao na ang edukasyon ang susi sa pagkakaroon ng magandang buhay at sa pagkakaroon din ng respeto na magmumula sa ibang tao. Marahil siguro ito ang dahilan kung bakit maraming tao na hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang nahihiya at natatakot na aminin o sabihin ang mga katagang, "Elementary Graduate lang ako", "Hindi ko natapos ang highschool e" at "Hindi ako nakatapagtapos ng kolehiyo" dahil alam nila mismo na ang kawalan ng edukasyon ay kawalan na rin ng pagkakaroon ng marangal at legal na trabaho, kawalan ng dignidad at kawalan ng respetong maibibigay lamang sayo ng mga tao kapag natapos mo na ang iyong pag-aaral. 


     Nais kong sabihin sa mga taong hindi nakapagtapos ng pag-aaral na, "Okey lang yan! Hindi edukasyon ang bubuo sa pagkatao mo. Na hindi kailangan ang edukasyon upang makakuha ng respeto. Na kailangan lang natin ng sipag at tiyaga para magkaroon ng magandang trabaho" pero, sino ako? Anong karapatan kong magsalita kung hindi ko naman alam at hindi ko naramdaman ang mga dinaranas nila sa napakadayang mundo. Sa madaling salita, huwag akong bida-bida. Dahil kung magsasalita ako tungkol sa kanila, hindi kaya magkaroon ng hindi patas na paghusga?


     Halo-halong emosyon ang naramdaman ko habang at matapos basahin ang tekstong ibinigay sa amin na pinamagatang, "Poverty at Work: Office Employment and the Crack Alternative" na isinulat ni Ginoong Philippe Bourgois na naglalaman ng mga karanasan at hindi pantay na pagtrato sa mga taong hindi nakatapos ng pag-aaral. Pinagsamang galit at lungkot ang naramdaman ko matapos madiskubre ang mga pinagdaanan ng iba't-ibang tauhan sa teksto tulad ng hindi pagkakaroon ng magandang trabaho, at kung magkaroon man ay hindi nakakatanggap ng maayos na pagtrato. 


     Masayang isipin na maraming tao -nakatapos man o hindi- ang naghahangad ng marangal at maayos na trabaho upang magbigay ng sapat na suporta para sa kanilang pamilya. Ngunit nakalulungkot na tila edukasyon at kulay ng balat ang humahadlang sa iba't-ibang tao upang magkaroon ng maayos at disenteng buhay. Masakit na para bang edukasyon at anyo ang bumubuo at nagiging basehan ng mga tao kung ikaw ay dapat bang igalang o irespeto bilang tao. Kung sa tutuusin, hindi naman nakapagpaiba, nakapagpaangat, at naging basehan ang pagkakaroon ng makinis, mala-perlas na kutis at  magandang mukha upang manghusga, yumurak at umalipusta sa mga taong nagtataglay ng kakaibang anyo na tila malaking kaibahan para sa ibang tao. 


     Nakakainis na isipin na tila hindi tinatanggap at walang balak tanggapin ng mga publiko, pribadong opisina, gobyerno at maging ang lipunang ginagalawan ng mga taong hindi nakapagtapos ng pag-aaral at nagtataglay ng ibang anyo. Hindi ba dapat na gobyerno ang unang tumanggap, magmahal at umunawa sa mga taong ito? Ngunit bakit tila wala silang ginagawang paraan upang mabigyan at maibigay ang nararapat sa kanilang marangal at disenteng trabaho? Hindi dapat nila hinahayaang magsimula ang galit sa puso ng mga taong ito. Dahil ang galit na ito ay magdudulot ng malaking pinsala sa lipunan tulad ng naramdaman at naranasan ng isa sa mga tauhan sa teksto. 


     Gaya ng sinabi ng aming pastor noong ako ay dumalo sa isang summer camp, "Money is the root of all evil especially when you lack of it and when you have too much of it". Marahil iyan ang rason bakit kinailangan ng mga tauhan sa teksto na kumapit sa isang bagay na tila yumayakap at handa silang tanggapin ano man ang estado nila sa buhay - ang pagkapit sa patalim, pagbebenta ng droga. 


     Siguro ay nasasagot na ang nagingibabaw na tanong sa isipan ng bawat tao na, bakit kaya may mga taong "tatamad-tamad" na nagtatrabaho sa mga ilegal na gawain? Baka kasi hindi sila tanggap sa mga ligal na trabaho? O baka naman hindi sila tinatrato bilang isang tao sa bawat legal na trabaho na kanilang napapasukan? Isa lang ang sinasabi dito. May dahilan kung bakit pumapasok ang ibang tao sa ganitong klaseng trabaho.


     Do not judge a book by its cover. Huwag tayong basta-bastang huhusga sa mga desisyon ng ibang tao. Una, dahil wala tayo sa posisyon at hindi natin alam ang dinanas ng mga taong ito. Pangalawa, hindi sapat na gamitin natin ang katotohanang nasa ilegal silang trabaho upang sabihin at husgahan silang masamang tao dahil ang totoo ay minsan din silang nangarap na magkaroon ng maayos at disenteng buhay at trabaho. Ikatlo, sila ay biktima rin lamang ng bulok na sistema ng mundo. 


     Kaya kung tayo ay may malawak na pang-unawa, nakatapos man o hindi, huwag na tayong dumagdag pa sa mga taong ang alam lamang ay ang paghusga nang hindi inaalam ang mga dahilan, karanasan at pinanggagalingan ng mga taong kakaiba para sa atin. Sama-sama nating buuin ang ideyang hindi natin kailangang gamitin ang edukasyon bilang panukat ng pagkatao. Dahil wala naman tayong dapat gamiting batayan bago rumespeto. Hindi natin kailangang baguhin ang sariling anyo para mahalin at irespeto tayo ng mga tao dahil nararapat iyon sa atin ano man ang estado natin sa buhay. Kaya alisin na natin ang takot na baka hindi tayo gustuhin, mahalin at igalang ng mga tao sa kung ano ang mga katangian natin dahil ika nga nila "We are born to be real and not to be perfect" at "Just be yourself".


No comments:

Post a Comment